Dati, nung tinanong ako ng Dean ng College of Education kung bakit ako nag-apply for graduate studies, ang nasabi ko lang eh, “Because I will be the next Superintendent of the Division of Quezon City. Remember my name po, ma’am.” Natawa siya. Ako hindi. Tumahimik at sumeryoso siya. Ako naman ang natawa sa sinabi ko. Teacher I pa rin ako magpasa hanggang ngayon, ang pinakamababang ranggo ng isang guro. Maaari na akong magpa-promote, pero mas pinili ko na hindi. Ang yabang noh? Pero okay na ‘ko. Bahala na lang sila sa taas, mas gusto ko kasi ang eksena sa baba. Mas totoo.
Hindi ito tungkol sa mga estudyane at guro. Hindi rin ito ukol sa mga nangyari sa loob ng kwarto sa sampung buwan namin na magkakasama. Tungkol ito sa kanila. Para dun sa mga hindi naman namin nakakasama araw-araw pero kabilang sila ng buong sistema na parang mas alam nila ang mga nangyayari sa amin kahit wala naman sila doon.
Sampung taon. Sampung graduation ceremonies. Isang dekada ng serbisyo. Tawagin na nating bokasyon o pagmamahal sa propesyon ang dahilan. Pero may mga pagkakataon na talagang sinusubok ako ng panahon na para bang unti-unti na akong bumibitiw at iniisip kung paano at bakit ba ako tumatagal dito. Pero nandito pa rin ako.
Ayoko talaga 'yang plastic ns upuan na 'yan. Nakakasugat pag naputol. |
Kapag may nagtatanong sa akin kung bakit Teacher I pa rin ako kahit sampung taon na ako sa pagtuturo eh ngingiti na lamang ako. Maaari akong magpa-promote hanggang Teacher III sa mga papeles na mayroon ako ngunit tinatamad akong mag-ayos ng papel at patunayan ang sarili ko na karapat-dapat ako. Oo, may elimination round at Q&A portion.
Ang pinaka nagpasakit ng ulo ko na section sa taon na ito. |
Wala akong problema sa mga taong naghahangad na umangat, sa totoo lang. Kung masaya sila at makakadagdag sa pagkatao nila ito eh ‘di dapat maging masaya tayo para sa kanila. ‘Wag na ‘wag nga lang makakaapak ng iba upang marating ang gusto, diyan tayo magkakaproblema.
Mas pinili kong hindi umakyat sa hagdan dahil natatakot akong baka hindi ko na masilayan kung ano ang nasa ibaba.
Kalahati ng klase na 'to ang absent. |
Hindi ako kailanman nagsulat ng ukol sa pagiging miyembro sa organisasyon na kinabibilangan ko. Maraming isyu na kinahaharap ang institusyon ngunit mas pinipili ko palagi na tuparin ang magbigay ng patnubay sa susunod na henerasyon ng bansa natin. Pero minsan, hindi mo mapipigilan na maapektuhan sa mga pangyayari sa paligid.
Laban lang |
Sabi ng isang kaibigan, “Mata sa langit, Paa sa lupa”. Mahirap. Lalo na kung kinain ka na ng sistema. Pero kaya, sana.
May mga pagkakataong gusto ko nang bumitiw sa pagtuturo—na ngayon ko lang naramdaman. Dati, gigising ako ng may galak sa puso at matutulog na payapa ang isip. Ngayong taon, kasimbigat ng patabaing baboy ang humahatak pabalik sa mga paa ko kada pumapasok ako. Isang buntong-hininga, araw-araw, bago ako pumasok sa gate ng eskwelahan. Nakakalungkot.
Ang paborito kong teacher picture :) |
Siguro minsan, kailangan mong maramdaman na nasisikil ka na para malaman mo ang totoong halaga ng ginagawa mo. Kada araw, Makita ko lamang ang ngiti sa mga mukha ng kada bata na tinuturuan ko eh napapawi na ang lahat ng poot. Ang mga inosente at nangungusap na mata nila ang dahilan kung bakit hindi ako bumibitiw. At hindi ko sasayangin ang pagkakataon na mahawakan ang mga musmos na kamalayan nila para lamang sa paiba-ibang pagpapatakbo ng sistema na ginagalawan namin.
Hayaan na natin sila. |
Tatawanan ko lang ang akda na ito sa mga susunod na panahon, sigurado ‘yan. Dahil hindi ko pa rin nakikita ang sarili ko na nasa loob ng ibang kwarto araw-araw. Kahit mabango pa ‘yan. Kahit may carpet pa ‘yan. At kahit may aircon pa ‘yan. Dun muna ako sa kwarto kung nasan sila nandoon. Sama sama kami sa loob na masaya. Bahala na sila sa labas.
from blissfulguro
via PinoyKawayan
Post a Comment